Manatili o umuwi?: Ilang OFWs sa Qatar, pinipiling hindi umuwi ng Pinas sa gitna ng tensyon sa Middle East
Mas pinipili umano ng ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Qatar na manatili sa trabaho sa kabila ng tumitinding tensyon sa Middle East, dahil mas matimbang para sa kanila ang seguridad ng kabuhayan at kinabukasan ng kanilang pamilya.
Ito ang ibinahagi sa CLTV36 News ni Darlyn Aliangan, isang HR Officer sa hospitality industry sa Qatar. Ayon sa kanya, hindi lamang banta sa seguridad ang kinokonsidera ng mga OFW kundi ang kalidad ng buhay na naghihintay sa kanila sakaling magdesisyon silang umuwi sa Pilipinas.
Ani Aliangan, malaking usapin para sa mga manggagawa ang garantiya ng gobyerno ng Pilipinas na hindi makokompromiso ang kanilang kabuhayan kung sila man ay mapabilang sa displaced workers.
Aniya, nakaaapekto rin ang isyu ng accountability at korapsyon sa pananaw ng ilang OFW hinggil sa kalidad ng pamumuhay sa bansa kumpara sa social protection na naibibigay ng ibang estado tulad ng Qatar.
Bagama’t kinumpirma ni Aliangan na may mga serye ng pagsabog na kanilang nararamdaman at may ulat umanong target ng Iranian missile ang ilang imprastraktura sa Qatar, sinabi niya na sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Filipino community doon, marami pa rin ang pinipiling manatili.
Sa ngayon, pangunahing konsiderasyon pa rin ng mga OFW ang katiyakan ng trabaho, tuloy-tuloy na kita, at ang mas malinaw na oportunidad para sa kanilang pamilya. #
