Malawakang kanselasyon ng klase dahil sa masamang panahon, hindi makaaapekto sa pagkatuto ng mga estudyante: DepEd

Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na hindi maaantala ang pagkatuto ng mga estudyante sa kabila ng sunod-sunod na kanselasyon ng klase bunsod ng masamang panahon na pinalakas na habagat.
Sa report ng Philippine News Agency, sinabi ng ahensya na aktibo nilang ipinatutupad ang flexible learning options sa pamamagitan ng Learning and Service Continuity Plans (LSCP). Kabilang dito ang online classes, self-learning modules, at activity sheets.
Bilang tugon sa mga apektadong lugar, plano ng kagawaran na magpadala ng mobile modular units sa high-risk areas bilang pansamantalang silid-aralan pagsapit ng Agosto.
Samantala, ipinaalala naman ng ahensya ang bagong polisiyang inilabas noong December 2024, na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga school head na magdeklara ng localized class suspension kahit wala pang anunsyo mula sa lokal na pamahalaan, lalo na sa mga emergency gaya ng matinding ulan at pagbaha.
Batay sa latest report ng DepEd nitong Miyerkules, July 23, aabot na sa 1,876 classrooms sa buong bansa ang bahagyang na-damage; 562 ang nakatanggap ng major damage; 531 ang totally damaged; at 232 naman ang may damaged hygiene facilities.
Samantala, nasa humigit-kumulang 270 naman na mga paaralan nationwide ang ginagamit bilang evacuation centers. #
