Malacañang, Sandro, itinangging gumagamit ng bawal na gamot si PBBM
Diretsong itinanggi ng Malacañang at ni Presidential son at House Majority Leader Sandro Marcos ang alegasyon ni Sen. Imee Marcos na umano’y gumagamit ng ilegal na droga si President Ferdinand Marcos, Jr..
Nangyari ang akusasyon sa isang peace rally ng Iglesia Ni Cristo nitong Lunes, November 17.
Binanggit din ng Senador na dati niyang sinubukang kumbinsihin ang Pangulo na pakasalan si First Lady Liza Araneta-Marcos para magkaroon umano ng direksyon ang kanyang buhay, ngunit sa kanyang pananaw, mas lumala pa umano ang sitwasyon.
Agad na naglabas ng pahayag ang Malacañang at tinawag ang alegasyon bilang desperadong galawan at maling paraan upang siraan ang pangulo at ang kanyang asawa.
Idiniin din ng Malacañang na may mga nauna nang pekeng ebidensya at AI-generated video na hindi umubra laban sa Pangulo.
Samantala, sa isang statement sa kanyang Facebook page ngayong Martes, November 18, pinabulaanan din ni Sandro ang alegasyon ng kanyang Tita Imee.
Aniya, wala itong katotohanan at pawang walang mabuting maidudulot sa kasalukuyang sitwasyon ng pulitika sa bansa. Tinawag din niyang hindi asal ng isang tunay na kapatid ang ginawa ng Senador.
Sa ngayon, wala pang direktang pahayag mula sa Pangulo at kanyang asawa ukol sa akusasyon. #
