Malacañang, bumuo ng independent commission kontra anomalya sa infra projects
Habang milyon-milyong Pilipino ang paulit-ulit na binabaha, bilyon-bilyong pondo naman ang umano’y patuloy na nilulustay sa mga proyektong dapat sana’y pumoprotekta sa kanila.
Kaya naman sa bisa ng Executive Order 94, inilunsad ni President Ferdinand Marcos Jr. ang isang Independent Commission for Infrastructure o ICI.
Isa itong fact-finding body na tututok at bubusisi sa mga iregularidad sa flood control at iba pang infrastructure project na pinopondohan ng gobyerno.
Bubuuin ang komisyon ng isang chairperson at dalawang miyembro, kasama ang isang executive director na tatayong undersecretary at isang secretariat para sa administrative at technical support.
Ayon sa Malacañang, iaanunsyo sa lalong madaling panahon ang mga opisyal na mamumuno sa ICI. Layon nitong mapanagot ang mga tiwali na nagpapahina sa tiwala at itinuturing na banta sa kaligtasan ng publiko.
Kabilang sa mga kapangyarihan ng komisyon ang mag-imbestiga, mangalap ng ebidensya at mag-isyu ng subpoena. May kapangyarihan din silang magrekomenda ng kasong kriminal, administratibo, o sibil sa Department of Justice (DOJ), Ombudsman, at Civil Service Commission. Kasama na rito ang pagrekomenda ng asset freeze, hold departure order, at preventive suspension kung kinakailangan.
Prayoridad ng ICI ang flood control projects na isinagawa sa nakalipas na sampung taon, na madalas nababatikos dahil sa delay, substandard, at misuse of funds.
Magbibigay ng monthly report ang ICI sa Office of the President at ilalathala ang kanilang mga accomplishment. Mananatili itong operational hanggang makumpleto ang mandato o ipawalang-bisa ng Pangulo. #
