Makatao at mapayapang eleksyon, panawagan ng CHR
Muling nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng election gun ban bunsod ng mga ulat ng karahasang may kinalaman sa eleksyon.
Ang panawagang ito ay kasunod ng kanilang pagkundena sa isang marahas na insidenteng naganap sa isang campaign rally sa Abra noong April 7, kung saan isang rambol ang nauwi sa barilan.
Dalawa ang naiulat na nasawi, kabilang ang isang Sangguniang Bayan candidate at isang kasalukuyang barangay captain. Pareho silang idineklarang dead on arrival sa magkaibang ospital, ayon sa Komisyon.
Bilang isang institusyon na nangangalaga sa karapatang pantao, ipinaalala ng CHR sa mga opisyal ng gobyerno, mga kandidato, at sa publiko na ang ganitong uri ng karahasan ay isang seryosong banta sa kaayusang panlipunan at sa umiiral na batas.

Ang patuloy umanong pagtaas ng bilang ng mga marahas na insidente, lalo na kung kinasasangkutan ng mga halal na opisyal at kandidato, ay nagdudulot ng panganib sa seguridad ng mga komunidad at sa integridad ng halalan.
Habang papalapit ang 2025 Midterm Elections sa May 12, iginiit ng CHR ang kahalagahan na maipamalas ng bawat Pilipino ang kanilang karapatang makilahok sa politika nang malaya at ligtas.
Hinikayat nila ang lahat ng sektor na tiyaking mapoprotektahan ang karapatang ito sa pamamagitan ng pagtiyak sa isang eleksyong mapayapa, makatarungan, at makatao. #