Mahigit 90-M balota para sa BSKE 2026, sisimulan nang iimprenta

Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Lunes, October 13, ang pag-iimprenta ng mahigit 90 milyong balota na gagamitin sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakdang ganapin sa November 2, 2026.
Isasagawa ang printing ng official ballots at accountable forms sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City, sa pangangasiwa ng Comelec at iba pang kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang masiguro ang seguridad at integridad ng proseso.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Komisyon na magpi-print ng ganito karaming bilang ng balota—69 million para sa Barangay Elections at 23 million para sa SK Elections.
Dagdag pa ni Garcia, maagang sinimulan ng ahensya ang pag-iimprenta upang magkaroon ng sapat na panahon para sa mga technical and logistical issue, gayundin upang maagapan ang anumang posibleng aberya bago sumapit ang halalan.
Posible ring tumaas pa sa 90 million ang kabuuang bilang ng mga balota, kasabay ng pagpapatuloy ng voter registration na nakatakdang magsimula sa October 20, 2025 at matatapos sa May 18, 2026.
Matatandaan na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Republic Act No. 12232, na nagpapaliban sa BSKE mula December 2025 patungo sa unang Lunes ng November 2026 upang magbigay-daan sa unang Parliamentary Elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Gayunman, ang halalan para sa BARMM na orihinal na itinakda sa October 13, 2025 ay ini-reschedule sa March 31, 2026, matapos ideklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang Bangsamoro Autonomy Act Nos. 58 at 77, na lumilikha ng karagdagang parliamentary districts sa rehiyon. #
