Mahigit 36,000 bagong botante, dumagsa sa unang araw ng voter registration
Umabot sa mahigit 36,000 applications ang natanggap ng Commission on Elections (Comelec) sa unang araw ng muling pagbubukas ng voter registration nitong Lunes, October 20 para sa 2026 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Batay sa datos ng Comelec, pinakamataas ang bilang ng mga nagsumite ng aplikasyon sa CALABARZON na may 8,290 registrants, sinundan ng National Capital Region (NCR) na nasa 4,637, Central Luzon na may 4,100, at Central Visayas na nasa 3,145.Â
Pinakamababa naman ang naitala sa Cordillera Administrative Region (CAR) na may 483 applications lamang.
Ayon sa Comelec, magtatagal ang voter registration hanggang May 18, 2026, at bukas ang mga tanggapan ng Election Officer mula Lunes hanggang Linggo, 8 AM hanggang 5 PM.
Tumatanggap din ang Comelec ng iba’t ibang uri ng aplikasyon tulad ng paglilipat ng record, pagbabago ng pangalan o status, at reactivation ng voter records.
Target ng Komisyon na makapagtala ng humigit-kumulang 1.4 milyong bagong botante para sa nalalapit na BSKE sa November 2026. #
