Mahigit 2,000 PRC volunteers, tutulong para sa ligtas at maayos na paggunita ng Undas

Mahigit 2,200 volunteers ng Philippine Red Cross (PRC) ang nakadeploy sa iba’t ibang panig ng bansa para tiyakin ang ligtas at maayos na paggunita ng Undas simula October 20 hanggang November 2.
Ayon kay Gwendolyn Pang, Secretary General ng PRC, dalawang linggo nang naghahanda ang organisasyon kabilang ang paglilista ng volunteers, refresher trainings, briefings at orientations para sa mga itatalagang team.
May kabuuang 295 first aid stations ang itatayo ng PRC sa mga sementeryo at pampublikong lugar. Mula naman sa 190 na ambulansya, 66 ang naka-deploy habang naka-standby naman ang iba pa para sa emergency response.
Magkakaroon din ng 100 foot patrol teams sa mga lugar na hindi madaanan ng mga sasakyan gaya ng makikipot na sementeryo, resorts, at matataong lugar. May 59 mobile units din at 155 welfare desks sa mga piling lugar sa bansa.
Pupwesto ang mga volunteer sa 200 sementeryo, kabilang na ang 25 lugar na malapit sa mga sikat na tourist spots. May mga pwesto rin ang PRC sa airports, seaports, highways, bus terminals, barangay halls at mga gasolinahan.
Tututok naman ang welfare desks sa mga batang nawawala o mga indibidwal na kailangang ma-contact ang kanilang kaanak, pati na rin sa mga nawawalang gamit. May pagkain din na ibibigay sa mga na-stranded na pasahero.
Noong nakaraang taon, umabot sa 11,000 katao ang natulungan ng PRC. Karamihan sa kanila ay may minor injuries tulad ng galos, paso, kagat ng insekto, pagkahilo, pananakit ng dibdib at altapresyon. Habang ang mga malubhang kaso ay kaagad na dinala sa pagamutan.
Pinayuhan ni Pang ang publiko na tiyakin ang malusog na pangangatawan. Siguraduhin ding nakasara ang tahanan bago umalis, at travel ready na ang mga sasakyan bago bumiyahe. Iwasan din ang pag-post ng travel plans sa social media at ihalinhan ang iiwanang bahay sa pinagkakatiwalaang kapitbahay o kamag-anak.
Para sa anumang emergency, maaaring tumawag sa PRC Hotline 143 para sa agarang tugon. #
