Magna Carta for Senior Citizens, isinusulong
Itinutulak ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang pagpasa ng Magna Carta for Senior Citizens upang mapalakas at mapag-isa ang lahat ng umiiral na batas para sa mga nakatatandang Pilipino, kasabay ng mabilis na pagdami ng elderly population sa bansa.
Sa isang national consultation, sinabi ng NCSC na layon ng panukalang batas na ayusin at i-update ang mga benepisyo, diskuwento, serbisyong pangkalusugan, at oportunidad na pangkabuhayan para sa senior citizens, na sa kasalukuyan ay itinuturing nang luma at kulang sa implementasyon.
Binigyang-diin ng ahensya na ang mga nakatatanda ay hindi dapat ituring na pasanin, kundi mahalagang yaman ng lipunan.
Sa ilalim ng Magna Carta, planong palawakin ang insentibo at bigyan ng mas maraming pagkakataon ang seniors na makilahok sa labor force at iba pang gawaing pangkabuhayan.
Kasabay nito, ipinatutupad ng NCSC ang Philippine Plan of Action for Senior Citizens para sa taong 2023 hanggang 2028, na tinitingnan ang pagtanda bilang usaping pangkaunlaran at hindi lamang panlipunan.
Nakatutok ang plano sa mas matibay na koordinasyon ng mga ahensya, serbisyong pangkalusugan, at paglikha ng age-friendly na mga komunidad.
Ayon sa ahensya, mahigit 1,000 senior citizen centers na ang naitatag sa buong bansa na nagbibigay ng serbisyong medikal, pagsasanay sa kabuhayan, at social services. Subalit kailangan pa umano ng humigit-kumulang 700 karagdagang pasilidad upang matugunan ang pangangailangan ng sektor.
Iniulat din ang patuloy na implementasyon ng Expanded Centenarians Act of 2024 kung saan mahigit 260,000 senior citizens na ang nakatanggap ng cash incentives hanggang December 2025.
Gayunman, kinilala ng NCSC na nananatiling hamon ang kakulangan sa pondo, lalo na sa nakalaang budget para sa 2026.
Kaya naman nananawagan ang ahensya ng mas malakas na suporta ng pamahalaan upang mas mapalawak pa ang mga programa at serbisyong para sa senior citizens. #
