Maging mahinahon sa kabila ng pagbasura sa Culinary Capital Bill: Kapampangan historian
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Pinaalalahanan ng isang Kapampangan historian at cultural worker ang ating mga kabalen na maging mahinahon sa kabila ng pagbasura ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa panukalang ideklarang Culinary Capital ng bansa ang Pampanga.

Sa Facebook post ni Robby Tantingco, Director ng Center for Kapampangan Studies ng Holy Angel University, sinabi niyang ang claim na pagiging Culinary Capital ng Pampanga ay may matibay na basehan sa kasaysayan at kinikilala rin ng ibang rehiyon maging ng ibang bansa.
“The country already recognizes and celebrates our Kapampangan cuisine. Historically, even royals from other countries came, ate and were impressed. Food experts and adjudicators singled out our cuisine,” paliwanag ni Tantingco.
Idiniin din niya na ang reputasyon ng Pampanga ay nakadepende sa tao, kasaysayan, at kultura, hindi sa desisyon ng Presidente o naipasang batas.
“Our reputation is safe, solid and secure. It comes from the people, not the president. It’s by public acclamation, not government legislation,” aniya.
Matatandaang vineto ng palasyo ang Senate Bill No. 2797 o House Bill No. 10634 na pinamagatang “An act declaring the province of Pampanga as the culinary capital of the Philippines” dahil umano sa kakulangan nito ng historical basis at posibleng makasakit sa damdamin ng iba pang mga Pinoy sa ibang rehiyon. #