Mabalaqueño seasonal workers, nasa South Korea na
Dumating na sa South Korea ang unang batch ng 23 foreign seasonal workers (FSWs) mula Mabalacat City upang magtrabaho sa Taebaek City.

Nitong Huwebes, April 9, nang makarating sa Incheon International Airport ang mga FSW matapos lumipad galing Clark International Airport.
Naging posible ang pagpapadala ng mga manggagawa sa SoKor kasunod ng pakikipag-ugnayan ng local government unit sa Department of Migrant Workers. Hiniling ni Mayor Geld Aquino na i-lift ang ban para sa deployment ng mga worker sa naturang bansa.
Matatandaan din na Enero ngayong taon nang pirmahan ng Mabalacat LGU at representatives mula Taebaek City ang isang Memorandum of Agreement (MOA) upang tiyakin ang ligtas at maayos na working conditions para sa FSWs.

Sa ilalim ng MOA, inaasahang makatatanggap ng sapat na benepisyo ang seasonal workers, kabilang na ang maayos na pasahod at matitirhan.

Binigyang-diin naman ng alkalde na ipinagbabawal ang anumang koleksyon o salary deduction na ipapataw sa mga seasonal worker. #
