Mabalacat City LGU, maglalatag ng sariling ayuda sa transport sector sa gitna ng krisis
Ikinakasa ng Mabalacat City LGU ang counterpart na tulong sa ipinatutupad na financial assistance ng national government para sa transport sector. Tugon ito sa patuloy na epekto ng krisis sa enerhiya sa mga bulnerableng sektor.
Ayon kay Mabalacat City Mayor Geld Aquino, nakapagbigay na ang lungsod ng paunang ayuda sa anyo ng goods, ngunit aminado itong hindi sapat ang tulong lalo na kung magtatagal ang krisis.
Binigyang-diin niya na kahit may Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ang Department of Social Welfare and Development, kinakailangan pa rin ng dagdag na suporta para sa mga tsuper na lubhang apektado ng mataas na presyo ng diesel.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa Sangguniang Panlungsod upang pag-aralan ang pagbibigay ng karagdagang financial assistance na magmumula naman sa pondo ng lungsod.
Ang pahayag ni Aquino ay kasunod ng kanyang pagronda sa payout ng unang batch ng TODA beneficiaries, kung saan nasa 2,000 pa lamang sa kabuuang 7,000 registered TODA sa Mabalacat City ang nabigyan ng ayuda. #
