Mabalacat City College Pres. Michelle Ong, itinalagang special adviser ng CHED para sa local univ & colleges
Opisyal nang nanumpa si Mabalacat City College (MCC) President Michelle A. Ong bilang bagong talagang special adviser para sa local universities and colleges sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED).

Ginanap ang panunumpa sa CHED Central Office ngayong Lunes, March 17 na pinangunahan ni Commission Chairperson Dr. Prospero De Vera.
Kilala si Dr. Ong bilang isa sa mga nangungunang eksperto pagdating sa community college development na nakapag-training sa mga prestihiyosong unibersidad sa Amerika. Sa kanyang pamumuno, naging pinakaunang community college sa Pilipinas ang MCC na tumanggap ng mga parangal mula sa World University Rankings Impact (WURI) at Times Impact Higher Rankings noong 2024.
Ilan sa mga pangunahing inisyatiba niya ay ang pagpapalakas ng technological innovation, student support services, workforce development, internationalization, at pagpapaunlad ng pang-akademikong karanasan.
Ang pagkakatalaga kay Dr. Ong bilang bagong special adviser ng CHED ay inaasahang makapagdudulot ng mas malawak na pag-unlad sa local universities and colleges sa buong bansa. Ang malawak niyang karanasan ay magiging mahalaga upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. #