Mabalacat artist, wagi sa 47th Catholic Mass Media Award

Isang karangalan ang bitbit ng Kapampangan artist na si Dodjie Aguinaldo pauwi ng Mabalacat City, Pampanga matapos masungkit ang Best Comic Story sa 47th Catholic Mass Media Awards (CMMA).
Para ito sa kanyang istoryang “The Biography of Felipe Sonsong” na inilathala sa Center for Kapampangan Studies ng Holy Angel University.

Kasama ni Aguinaldo na tumanggap ng parangal sa Citystate Tower Hotel sa Maynila sina Robby Tantingco, Leonardo Calma, at Myra Lopez ng HAU-CKS.
Sa Facebook post ng Kapampangan artist, ito ang kauna-unahang CMMA win ng isang artist mula Mabalacat, kaya naman itinuring aniya itong inspirasyon para sa mas marami pang lokal na alagad ng sining.
Ibinahagi rin ni Aguinaldo na nagsimula niyang gawin ang proyekto noong September 2024 nang imbitahan siya kapwa kabalen at culture advocate na si Alex Castro para gumawa ng comic adaptation.
Dagdag pa niya, masaya na siya noong maging nominado at finalist pa lamang, kaya’t ang pagkapanalo niya raw na ito ay mas lalo pang naging makahulugan. #
