Maayos na pagpapatupad ng MAIFIP Program, panawagan ni Gov. Pineda
Umaasa si Pampanga Governor Lilia “Nanay” Pineda na maisama sa pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program ang malinaw na pagpopondo sa mga provincial hospital. Ito umano ay upang manatiling matatag ang healthcare system na mas malapit sa mga mamamayan.
Ayon kay Gov. Pineda, marami pa ring gray area sa mga naunang paliwanag ng Department of Health (DOH), partikular sa usapin ng Zero Balance Billing na umano’y limitado lamang sa piling government hospitals. Sa Central Luzon, ang Jose B. Lingad Memorial General Hospital lamang ang kilalang pasilidad ng gobyerno na nagpapatupad nito, ngunit madalas itong overwhelmed sa dami ng pasyente.
Ipinaliwanag din ng gobernador na hindi maiiwasang mailipat sa private hospitals ang ilang pasyenteng may immunocompromised conditions o nangangailangan ng mas mataas na antas ng gamutan, dahil kulang o wala ang kinakailangang pasilidad sa mga provincial at maging sa ilang government hospitals. Dahil dito, nagagamit ang Guaranteed Letter (GL) sa pribadong ospital.
Hiling ni Gov. Pineda na maayos ang proseso ng MAIFIP, mabawasan ang pila, at magkaroon ng mas diretsong assessment ng case rate upang mas mabilis at mas episyenteng matulungan ang mga benepisyaryo. #
