Lolo sa Bulacan, pumanaw tatlong araw matapos mamatay ang kanyang asawa
Pinatunayan ng magsing-irog na senior citizen sa Bulacan ang kanilang pag-ibig na walang hanggan.
Tatlong araw kasi matapos ang pagpanaw ni Pacita Gino-Gino sa edad na 67 noong June 15 ay sumakabilang-buhay din ang kanyang 75 years old na asawang si Angelito Gino-Gino. Ibinurol ang dalawa sa kanilang bahay sa bayan ng Marilao.
Nakilala si Angelito bilang “Lolo Pops” dahil sa kanyang mga itinitindang lollipop candies at pulvoron sa Angeles City noon. Pero bukod sa masarap na panghimagas, higit na tumatak sa maraming mga mag-aaral sa iba’t ibang pamantasan sa naturang lungsod ang kanyang matamis na ngiti.
Nahinto sa pagtitinda si Lolo Pops noong kasagsagan ng pandemya pero dahil na rin sa tulong at suporta ng mga nagmamahal sa kanya ay nagawa niyang makapagbukas ng online shop.
Sa pagpanaw ng mag-asawa, bumuhos ang mensahe ng pakikiramay at suporta mula sa mga nakakakilala lalo na kay Lolo Pops. Ayon sa mga nagkomentong netizen sa Facebook page ni Lolo Pops na hawak ngayon ng kanyang anak, hindi nila makakalimutan ang kabutihang-loob at pagiging masayahin nito. Malaking parte rin daw ng kanilang student life ang makita si Lolo Pops sa gate ng kani-kanilang mga eskwelahan habang may handog na ngiti at minatamis sa bawat dadaan.
Samantala, kumakatok naman sa mga mabubuting loob ang mga naulila nina Lolo Pops at Lola Pacing. Para sa mga nais magpaabot ng donasyon para sa kanilang pagpalibing at iba pang gastusin, maaaring ipadala raw ito sa Gcash number na 0909-183-6792.