Limitadong rice imports sa Pebrero, ikinokonsidera ng DA
Target ng Department of Agriculture (DA) na makapag-angkat ng hanggang 300,000 metric tons ng bigas ngayong Pebrero upang patatagin ang supply at presyo sa merkado.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., napagkasunduan ito kasunod ng konsultasyon sa mga rice miller at importer na nangakong susuporta sa lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagpapanatili ng minimum na presyo ng palay sa nalalapit na anihan.
Tiniyak din ng mga trader na patuloy nilang bibilhin ang palay sa presyong hindi bababa sa ₱17 kada kilo para sa basang palay, at ₱21 kada kilo para sa tuyong palay, depende sa kalidad, kahit may darating na imported na bigas.
Binigyang-diin ng ahensya na pangunahing layunin ng pamahalaan na maprotektahan ang farmgate prices upang hindi bumagsak ang kita ng mga magsasaka sa peak harvest season.
Samantala, iniulat ng mga rice miller mula sa pangunahing rice-producing areas na nananatiling mahigpit ang suplay ng bigas habang unti-unting nagsisimula ang anihan sa ilang lalawigan tulad ng Nueva Ecija at Nueva Vizcaya.
Inaasahang mas lalawak pa ang anihan sa mga lalawigan ng Pangasinan, Ilocos, Bulacan, at La Union pagsapit ng Pebrero, habang mas malaking volume naman ang target sa kalagitnaan ng Marso hanggang Abril.
Nilinaw din ng DA na hindi makikipagkumpitensya ang National Food Authority sa pribadong sektor hangga’t nasusunod ang napagkasunduang presyo ng palay, at ang pagpasok ng imported rice ay patuloy na rerepasuhin batay sa galaw ng merkado. #
