Ligtas at payapang eleksyon sa Central Luzon, titiyakin ng PRO 3
Nagsagawa ng isang Electoral Board Seminar ang Police Regional Office 3 (PRO 3), katuwang ang Commission on Elections Region 3 (Comelec 3) sa PRO3 Patrol Hall, Camp Olivas nitong Huwebes, March 20.

Layunin nitong mas maihanda ang pwersa ng kapulisan para matiyak ang isang ligtas at payapang eleksyon sa May 12.
Nilahukan ito ng mga pulis mula sa iba’t ibang bahagi ng Central Luzon upang palakasin ang kanilang kaalaman sa election laws, seguridad, at tamang pamamaraan sa pagpapanatili ng integridad ng eleksyon.

Pinangunahan ito ni PCOL Reynaldo Ogay Jr., Deputy Regional Director for Operations, kung saan binigyang-diin niya na kailangang manatiling patas at mapagmatyag ang mga otoridad, pati na rin ang agarang pagtugon sa anumang pagtatangkang guluhin ang proseso ng halalan.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Numer Lobo, Regional Election Attorney, ang mga batas na may kaugnayan sa halalan at hinimok ang mahigpit na pagsunod sa mga panuntunan upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa proseso ng pagboto.
Samantala, sinabi naman ni PBGEN Jean Fajardo, Regional Director ng PRO3, na seryoso nilang tinatanggap ang kanilang responsibilidad sa pagpapanatili ng isang malinis, patas at mapayapang midterm elections. Aniya, bukod sa seguridad, tungkulin din ng kapulisan na tiyakin na ang bawat botante ay makaboboto nang walang takot o anumang uri ng panggigipit. #