Light helicopter, bumagsak sa Nueva Ecija; piloto, patay
By Daryl Castro & Kayla Valencia, CLTV36 News interns
Nasawi ang 25 years old na piloto ng light helicopter na bumagsak sa Brgy. San Miguel, Guimba, Nueva Ecija nitong Sabado, February 1.
Bandang alas-singko ng hapon nang mag-crash ang helicopter na may body number na RP-C3424 sa isang swamp sa Purok Arimung-mong.
Agad na rumesponde ang Nueva Ecija Police kasama ang mga lokal na opisyal upang isagawa ang rescue operations.
Dito na nila na-recover ang labi ng biktima na si Julia Flori Monzon Po. Sinubukan pa siyang i-revive ng rescuers ngunit idineklara nang patay sa mismong crash site.
Nagsagawa ng forensic examination ang Scene of the Crime Operatives o SOCO, habang iniimbestigahan ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang sanhi ng insidente.
Personal na pinangunahan ni Provincial Director Police Colonel Ferdinand Germino ang pagbibigay ng suporta sa pamilya ng biktima at tiniyak ang mabilis na pagproseso ng labi ng piloto. Nagpaabot din ng suporta si Willie Revillame bilang naging piloto niya si Po at malapit siya sa pamilya.
Isa sa kanyang mga pasahero si Senator Bato dela Rosa na ibinaba niya sa Baguio City para sa isang engagement. Samantala, mag-isa na nang lumipad patungong Manila si Po.
“Very smooth man yung flight namin going to Baguio, napaka-smooth at masaya kami sa flight, wala akong naramdaman na anything na unusual. Very good ang weather, wala akong nakitang bad weather,” ani Bato sa isang panayam.