Libo-libong trabaho, asahan sa pagsisimula ng Bataan-Cavite Interlink Bridge

Higit 20,000 trabaho ang inaasahang malilikha sa pagsisimula ng konstruksyon ng Bataan-Cavite Interlink Bridge (BCIB) bago matapos ang taon, ayon sa mga lokal na opisyal ng Bataan.
Kasunod ito ng kanilang inihayag na suporta sa proyektong binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang 4th State of the Nation Address (SONA).
Bilang bahagi ng “Build Better More” program ng administrasyon, layunin ng BCIB na hindi lamang paikliin ang biyahe sa pagitan ng Mariveles, Bataan at Naic, Cavite, kundi maging pasiglahin ang ekonomiya sa mga rehiyon.
Maliban sa transportation benefits, mas mahalaga ang oportunidad na dala ng proyekto sa mga manggagawa, lalo na sa mga residente ng Bataan na naghahanap ng trabaho, ayon sa mga opisyal.
Sinabi ni Bataan 2nd District Representative Albert Garcia magsisilbing konkretong halimbawa ang BCIB ng proyektong may direktang epekto sa kabuhayan ng mga tao. Dagdag pa niya, malaking ginhawa ito para sa mga negosyo at mamumuhunan sa rehiyon.
Para naman kay Governor Jose Enrique Garcia III, ang pagsisimula ng konstruksyon ngayong taon ay nagpapakita ng seryosong pagtutok ng national government sa pangmatagalang pag-unlad ng mga lalawigan tulad ng Bataan.
Sa sandaling makumpleto, inaasahang mas magiging mabilis na ang daloy ng kalakalan, turismo, at pamumuhunan sa pagitan ng Central Luzon at CALABARZON. #
