Legarda: Pagpapalakas sa kababaihan, susi sa mas matatag na bayan

Sa pagdiriwang ng National Women’s Month, nanawagan si Senator Loren Legarda sa lahat ng sektor—pampubliko man o pribado—na isakatuparan na ang mga pangakong pagbabago para isulong ang pantay na oportunidad at karapatan ng kababaihan sa lahat ng larangan.
Hinimok ng four-term senator ang bawat sektor na kumilos para matiyak na ang bawat Filipina ay malaya sa karahasan at diskriminasyon, at binigyang-diin ang pag-alis ng mga hadlang sa kanilang pag-unlad.
“Ngayong taon, dapat nating pabilisin ang progreso,” ani Legarda.
“Ngayong 2025, ginugunita natin ang ika-30 anibersaryo ng Beijing Declaration and Platform for Action—ang pinakaprogresibong plano para sa pagpapalakas ng karapatan ng bawat kababaihan. Malaki ang naitulong ng platform na ito para sa pagpapalawak ng access sa mahahalagang serbisyo, pagpapalakas ng legal protections, at pagpapabago ng pagtingin sa pagkakapantay-pantay ng kasarian. Dito sa Pilipinas, hindi lang natin dapat ipagpatuloy ang mga pagsisikap na ito—kailangan nating mas lalo pang paigtingin ang ating mga hakbang upang makamit ang konkretong pagbabago na tunay na nagpapalakas sa kababaihan.”
Binigyang-diin ni Legarda na bagama’t mahalaga ang mga polisiya, ang tunay na pagbabago ay nakasalalay sa aksyon, sapat na pondo, mahigpit na pagpapatupad ng batas, at pagkakaroon ng pananagutan ng bawat sektor. Kailangan umano ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas laban sa karahasan, diskriminasyon sa trabaho, at hindi pantay na oportunidad para sa kababaihan.
Bilang matagal nang tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan, naniniwala si Legarda na ang pagpapalakas sa kababaihan ay pagpapalakas din sa buong bansa.
“Kapag sinuportahan natin ang kababaihan—kapag pinangalagaan natin ang kanilang mga karapatan, pinuhunanan ang kanilang edukasyon, at binigyan sila ng pantay na pagkakataon sa ekonomiya—mas nagiging matatag at maunlad ang ating bayan,” ani Legarda.
“Hindi lang ito usapin ng katarungan. Ito ay tungkol sa paglikha ng isang lipunang nagbibigay ng pantay na pagkakataon para sa bawat babae at batang babae upang magtagumpay, mamuno, at makapag-ambag nang makabuluhan. Hindi natin maikakaila ang malaking papel ng kababaihan sa paghubog ng ating mga komunidad at bansa.”
Si Legarda, ang kauna-unahang babaeng nanguna sa dalawang halalan sa pagka-senador noong 1998 at 2007, ay nangunguna sa pagsusulong ng mga batas para sa kababaihan. Ilan sa mahahalagang batas na kanyang isinulat at itinaguyod ay ang Magna Carta of Women, Anti Violence Against Women and Children Act, Anti-Trafficking in Persons Act at ang expanded version nito, Kalusugan at Nutrisyon ng Mag Nanay Act, at 105-Day Expanded Maternity Leave Law.
“Panahon na para ipakita ang ating tapang,” pahayag ni Legarda.
“Mayroon na tayong mga batas, kaalaman, at balangkas upang gawing realidad ang ating mga pangarap para sa kababaihan. Ang kailangan natin ngayon ay ang pagsasama-sama ng ating lakas at kilos na may direksyon. Gawin nating makabuluhan ang National Women’s Month sa pamamagitan ng tunay na aksyon—isang hakbang patungo sa isang bansang nagbibigay-lakas, nagpoprotekta, at nagpapahalaga sa bawat Filipina.”