Lalaki sa Bulacan, nag-amok at nanutok ng baril
Isang mekaniko ang nag-amok at nanutok ng baril sa isang lalaki sa Barangay Minuyan Proper, San Jose del Monte City, Bulacan gabi nitong Miyerkules, May 7.
Hindi pinangalan ng mga otoridad ang inarestong 44-anyos na suspek na residente ng naturang barangay. Habang itinago naman sa alyas na “RC” ang biktima.

Ayon sa pulisya, pauwi na si RC nang harangin umano ito ng lasing na suspek at pagbantaan gamit ang isang .45 kalibreng baril. Sa kabila ng tensyon, nakatakas ang biktima at agad na nagsumbong sa ina nito, na siya namang dumulog sa mga otoridad.
Agad na naaresto ng kapulisan ang salarin at nakumpiska sa kanya ang baril, isang magasin, at limang bala. Napag-alamang walang dokumento ang nasabing armas.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regualtion Act, at Omnibus Election Code (Gun Ban).
Batay sa datos ng Police Regional Office 3, umabot na sa 360 ang bilang ng mga armas na nakumpiska mula nang mag-umpisa ang election gun ban noong January 12, 2025 hanggang nitong May 4, 2025. 356 katao naman na ang mga naaresto kaugnay ng paglabag sa nasabing batas panghalalan. #
