Lalaki na inaresto noong 2018, muling nahuling nagbebenta ng droga
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Timbog sa isang buy-bust operation ng Pampanga Police ang 31-anyos na Regional High-Value Target dahil sa ilegal na droga, illegal firearm possession, at election code violations.

Naaresto ang suspek matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer sa Bypass Road, Barangay Sta. Cruz, Lubao nitong Lunes, March 24.

Nakumpiska sa kanya ang itim na backpack na naglalaman ng isang malaking sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa ₱35,000 ang halaga. Kasama rin sa nakuha ang isang Colt .45 caliber na baril na walang serial number at ang ₱1,000 marked money.

Sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek na may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, RA 10591 (Firearms Law), at Section 261 ng Omnibus Election Code.
Ayon sa mga otoridad, nauna na siyang naaresto noong 2018 sa kasong may kinalaman din sa ilegal na droga, ngunit muling nasangkot sa pagbebenta at distribusyon ng shabu sa Lubao at mga karatig na lugar. #