Lahat ng sangkot sa flood control corruption, dapat managot: CBCP
Tahasang iginiit ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP na hindi lamang dapat mapako sa mga kontratista ang sisi sa katiwalian sa flood control projects.
Dapat din umanong managot dito ang mga mambabatas, engineers, auditors, at mga “padrinong pulitiko” na nakikinabang sa maanomalyang pondo.
Sa pastoral letter na pirmado ni CBCP President Cardinal Pablo Virgilio David, binigyang-diin ng mga obispo na dapat “inclusive” ang pananagutan at imbestigasyon dahil malinaw na maraming sektor ang sangkot sa katiwalian.
Kinuwestiyon din ng CBCP ang kredibilidad ng mga imbestigasyon, dahil ilan umano sa mga mismong nagsisiyasat ay nadadawit sa mga isyu ng “pork insertions” na kumakaltas sa budget para sa mahahalagang serbisyo gaya ng edukasyon at kalusugan.
Binigyang-diin ng simbahan na ang tunay na hustisya ay nangangailangan hindi lamang ng parusa kundi pati ng pagbabalik ng nakaw na yaman sa kaban ng bayan upang magamit para sa iba pang pangangailangan ng mamamayan.
Suportado rin ng CBCP ang panawagan para sa pagbuo ng independent committee at hinimok ang kabataan na gamitin ang digital platforms upang bantayan, ibunyag ang katiwalian, at manawagan ng reporma. #
