Kumander Liwayway at Guerrero: Mga bayaning Kapampangan ng Hukbalahap
Muling inaalala ng Kapampangan writer and historian na si Robby Tantingco ang kabayanihan ng dalawang babae mula Pampanga na naging squadron leader ng Hukbalahap o Hukbong Bayan Laban sa Hapon noong panahon ng World War II.
Kasabay ito ng paggunita sa Araw ng Kagitingan sa buong bansa ngayong Miyerkules, April 9.
Batay sa Facebook post ni Tantingco, una niyang narinig ang kwento ni Remedios Gomez, o Kumander Liwayway mula Anao, Mexico, na kilala bilang isang matapang na gerilya na nakikipaglaban habang may suot na makeup at pulang lipstick.
Gayunman, hindi siya agad nadalaw ng manunulat at tuluyang pumanaw si Gomez noong May 2014. Doon inamin ni Tantingco ang kanyang matinding pagsisisi sa hindi agad pagkilala sa beterana.

Sa parehong linggo, natuklasan naman niya na buhay pa ang isa pang Hukbalahap commander na si Simeona Punsalan o Kumander Guerrero, na noon ay 91-anyos at naninirahan sa San Simon, Pampanga. Bedridden at hindi na tumatanggap ng pensyon si Guerrero dahil sa kawalan ng proof of life.
Agad kumilos si Tantingco at sa tulong ng mamamahayag na si Tonette Orejas, nailathala sa pahayagan ang kalagayan ng beterana. Naging daan ito upang maibalik ang kanyang pensyon, at mabigyan siya ng kapangyarihang kilalanin ang higit 100 Hukbalahap pension applicants na kalauna’y nakatanggap muli ng benepisyo.
Pumanaw si Kumander Guerrero noong June 2015 makalipas ang isang taon.
Ayon kay Tantingco, ang karanasan niya sa dalawang kumander ay naging inspirasyon sa kanyang pelikulang “ARIA” noong 2018, at nagsilbing paalala na hindi dapat kalimutan ang kabayanihan ng mga babaeng gerilyang Pilipino. #