Korean-backed Machinery Hub, itatayo sa Nueva Ecija para sa modernisasyon ng agri-industry
Inaasahang magbubukas ng tinatayang 10,000 trabaho at magpapalakas sa modernong pagsasaka ang itatayong kauna-unahang Korea Agricultural Machinery Industry Complex sa bansa.
Kasunod ito ng groundbreaking ng proyekto na pinangunahan ni President Ferdinand Marcos, Jr. sa Cabanatuan, Nueva Ecija. Ayon sa pangulo, layon ng pasilidad na magdisenyo at gumawa ng mga makinang tugma sa pangangailangan ng mga magsasakang Pilipino upang tumaas ang kanilang ani at kita.

Ayon naman sa Pamahalaang Lungsod ng Cabanatuan, mahalaga ang proyekto dahil magbibigay ito ng tuloy-tuloy na trabaho at palalakasin nito ang local labor force.
Magsisimula ang konstruksyon ng naturang complex sa 2026 sa 20-hectare na government-owned property sa Barangay Kalikid Sur. Target na matapos ang buong proyekto sa loob ng siyam na taon, na hahatiin sa tatlong phase.
Kasabay ng groundbreaking, namahagi rin ang Department of Agriculture ng mga makinarya, kagamitan, binhi, at iba pang farm inputs na pakikinabangan ng iba’t ibang farm cooperatives sa Central Luzon. #
