Korapsyon, pangalawa sa Top 5 concerns ng mga Pinoy: OCTA Research

Habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at patuloy na hamon sa kabuhayan, isang bagong isyu ang umangat sa mga alalahanin ng mga Pinoy—ang lumalalang katiwalian sa pamahalaan.
Sa latest Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, mula 13% noong Hulyo, tumaas sa 31% nitong Setyembre ang mga Pilipinong nababahala sa katiwalian. Ibig sabihin, mas maraming Pilipino ngayon ang mas nakatuon sa usapin ng integridad at pananagutan sa pamahalaan.
Ayon sa ulat, ito rin ang unang beses na nakapasok ang korapsyon sa “top five” concerns ng mga Pinoy. Indikasyon daw ito ng lumalawak na pagkadismaya sa mga isyung may kinalaman sa pamamahala at paggamit ng pondo ng bayan.
Gayunman, nananatiling pangunahing problema ng mga Pilipino ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo na nasa 48%. Sinundan ito ng access sa abot-kayang pagkain tulad ng bigas, gulay, at karne na nasa 31%, pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa 27%, at paglutas sa isyu ng kahirapan na nasa 23%.
Samantala, bumaba ang bilang ng mga nag-aalala sa kawalan ng trabaho, mula 26% noong Hulyo bumaba ito sa 19% nitong Setyembre. Ayon sa OCTA, maaaring senyales ito ng bahagyang pagbuti sa pananaw ng publiko sa estado ng trabaho sa bansa.
Binibigyang-diin ng OCTA na ang pag-akyat ng concern sa korapsyon ay maaaring bunga ng tumitinding diskusyon sa media at social platforms hinggil sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan, na nagdulot ng mas mataas na kamalayan sa publiko.
Isinagawa ng OCTA Research ang naturang survey mula September 25 hanggang September 30, 2025, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents sa buong bansa. #
