Kongreso at civil society organizations, nagdayalogo para sa 2026 National Budget deliberations

Nagkaroon ng dayalogo ang mga accredited Civil Society Organizations (CSOs) sa Committee on Appropriations ng House of Representatives nitong Huwebes, August 28, bilang bahagi ng People’s Budget Review na naglalayong tiyakin ang transparency at partisipasyon ng publiko sa budget process.
Ayon kay Nueva Ecija 1st District Representative Mikaela Angela Suansing, mahalaga ang nasabing pagtitipon dahil magsisilbi itong daan para sa mas madalas at bukas na ugnayan ng Kongreso at CSOs sa mga pagdinig kaugnay ng pambansang pondo.
Dagdag pa niya, ang prosesong ito ay makatutulong upang mapanatili ang tiwala ng taumbayan at masiguro ang magandang kinabukasan ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Para naman kay Bataan 2nd District Representative Albert Garcia, na Vice Chair ng Appropriations Committee, may malaking papel ang CSOs sa pagtukoy ng mga kakulangan at kinakailangang reporma sa national budget. Iginiit din niya na magiging transparent, consultative, at nakasentro sa mamamayan ang mga deliberasyon.
Samantala, isinusulong din ng TINGOG Party-list ang House Bill 94 na naglalayong gawing pormal ang partisipasyon ng CSOs bilang official non-voting observers sa mga budget deliberation ng komite.
Binibigyang-diin ng panukalang batas na dapat magkaisa ang pamahalaan, civil society, at mga komunidad upang matiyak na bawat piso ng national budget ay mailalaan nang may integridad, pangangailangan, at benepisyo sa lahat.
Sa kasalukuyan, 21 CSOs na ang opisyal nang na-accredit ng Kamara upang obserbahan ang deliberasyon para sa 2026 National Budget. #
