Konduktor ng bus, lumusong sa baha para bilhan ng pagkain ang mga pasahero
Hinangaan ng netizens ang isang konduktor ng bus matapos itong lumusong sa hanggang dibdib na baha para makabili ng pagkain sa mga stranded na pasahero.
Sa Facebook post ng isa sa mga pasahero na si Chloe Dela Cruz, sinabi nitong pitong oras silang stranded sa gitna ng baha habang sakay ng bus sa Marilao, Bulacan nitong Miyerkules, July 24.
Kahit hanggang dibdib ang baha, nagmagandang loob daw ang konduktor ng sinasakyan nilang bus na ibili ang mga pasahero ng tinapay at tubig habang naghihintay ng rescue.
Wala pang 30 minuto ay lumusong muli ang konduktor at naglakad nang isang oras upang humanap ng sasagip sa kanila.
Dahil wala pang dumarating na rescue at pumasok na sa loob ng bus ang baha, napagdesisyunan nilang lumusong na at pumunta sa mas ligtas na lugar. Â
Ayon kay Dela Cruz, malakas man ang agos ng marumi at mabahong tubig, hindi ito naging hadlang sa konduktor at nakuha pa niyang bitbitin ang kanilang bag sa kanyang balikat para makapagkapit-kapit sila at hindi sila matangay ng malakas na agos ng tubig.
Hindi rin daw sila iniwan ng konduktor hanggang makasakay sila ng bus papuntang Bulakan, Bulacan.
Pakiusap naman ni Dela Cruz sa bus company na alagaan ang mga empleyadong katulad ng konduktor na may pusong tumulong sa kapwa dahil umano malaking asset ito para sa kumpanya.
Bagama’t hindi niya nakuha ang pangalan ng konduktor, narinig naman niya sa mga kasamahan nito na tinawag siyang Alfie.