Kauna-unahang urgent care facility sa Bataan, binuksan ng DOH
Binuksan na ng Department of Health (DOH) ang Bataan General Hospital and Medical Center (BGHMC) Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) sa Pilar, Bataan, nitong Abril 9, kasabay ng pagdiriwang sa Araw ng Kagitingan.

Ang bagong pasilidad ay inaasahan umanong magbigay ng access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino.
Pinangunahan ni DOH Secretary Teodoro Herbosa ang seremonya, kasama sina DOH Undersecretary Glenn Matthew Baggao at Regional Director ng Central Luzon Center for Health Development, Corazon Flores.

Dumalo rin sina Dr. Monserrat Chichioco ng Jose B. Lingad Memorial General Hospital, Dr. Dennis Dayao Ordoña ng Mariveles Mental Wellness and General Hospital, Dr. Maria Isabel Gallaro ng Talavera General Hospital, at Dr. Elizabeth Serrano ng Treatment Rehabilitation Center, kasama ang mga opisyal mula sa PhilHealth na nagbigay ng accreditation sa BGHMC BUCAS, local government leaders, healthcare champions, at ilang miyembro ng komunidad.
Sa isang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Glory Baltazar, BGHMC Medical Center Chief, ang kahalagahan ng BUCAS sa pagtugon sa lumalaking pangangailangan ng komunidad sa kalusugan, pati na rin sa pagpapagaan ng kanilang financial burden. Higit sa lahat, makakatulong raw ito para mabawasan ang pasanin sa mga emergency room.
Para naman kay Usec. Baggao, ang mga BUCAS facility ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng primary care at mga hospital-based services, na nakatuon sa pagpapalakas ng local health system. Inilarawan din niya ang pasilidad bilang simbolo ng pag-asa at pagkakaisa para sa buong komunidad.

Samantala, binigyang-diin ni Sec. Herbosa ang kahalagahan ng prinsipyo ng “TED” – Tamang pagkain, Ehersisyo, at Disiplina – sa pagsasakatuparan ng mga pangunahing layunin ng DOH, kabilang ang Health Promotion and Disease Prevention, Acute Care o Urgent Care, at Women’s Health.
Binanggit niya ang papel ng BUCAS facilities sa pagpapalapit ng mga serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na may limitadong access sa mga ospital.
Ang BGHMC BUCAS ay nagbibigay ng malawak na urgent care at diagnostic services, kabilang ang mga laboratory, radiology, at pharmacy.

Nag-aalok din ito ng specialized outpatient clinics gaya ng Family Health, Children’s Health, Women’s Health, Eye Care, Internal Medicine, Surgery, ENT-Head and Neck, Dental, at Nutrition and Dietetics.Nag-aalok din ito ng screening services para sa iba’t ibang uri ng cancer, HIV, tuberculosis, sexually transmitted infections, diabetes, at hypertension.
Ito ang ika-49 na BUCAS sa bansa, ikalima sa Central Luzon, at kauna-unahan sa Bataan. #