Kauna-unahang Tactical Drone Competition, matagumpay na isinagawa ng PRO3
By: Pamela Jeroso, CLTV36 Intern
Matagumpay na isinagawa ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang kauna-unahang Tactical Drone Competition na ginanap sa Camp Olivas San Fernando, Pampanga nitong Martes, March 21.
Pinasinayaan ni PRO3 Regional Director Jose S. Hidalgo Jr. ang programa at nagsilbing pangunahing tagapagsalita.
Ayon kay Hidalgo, ang paggamit ng drone sa pagpapatupad ng batas ay game-changer para sa PNP. Ang mga aerial vehicle na ito ay nagbibigay daw ng real-time na surveillance at intelligence-gathering capabilities. Nasusubaybayan din daw ang malalaking lugar lalo na ang mga sangkot sa anti-insurgency operations.
Ang nasabing kompetisyon ay nilahukan ng pitong Provincial Police Office, dalawang City Police Office at ng Regional Mobile Force Battalion 3 na nagpakitang gilas sa pagpapalipad ng mga drones.
Ipinakita ng mga kalahok ang kanilang husay sa paggamit ng iba’t ibang taktika sa pagpapaandar at operasyon ng drone na nahati sa tatlong bahagi — obstacle course, tactical identification of target, at drone support to tactical operation.
Sa bandang huli, nakamit ng Regional Mobile Force Battalion 3 (RMFB3) ang kampeonato dahil sa kanilang ipinamalas na galing at talento.
Ang naturang aktibidad ay inilunsad upang masuri ang kahusayan ng rehiyon sa mga kasalukuyang police operational procedures gamit ang lightweight aerial assets maging ang pagiging epektibo ng mga pulisya at kanilang wastong pagtugon sa iba’t ibang sitwasyon.