Kauna-unahang Onion Research Center sa bansa, itatayo sa Nueva Ecija
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Inanunsyo ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. nitong Huwebes, April 3, ang pagpapatayo ng kauna-unahang Onion Research and Extension Center sa bansa.
Itatayo ito sa Bongabon, Nueva Ecija, partikular sa Bongabon Agricultural Trading Center compound, na kilala bilang “Onion Capital” ng Pilipinas.
Kasabay nito, ipinangako ng Kalihim ang suporta sa mga magsasaka ng sibuyas sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, pag-aaral mula sa best practices ng China, at pagdodoble ng pondo sa pagbili ng pheromone lures kontra armyworms—mula ₱2.5-million at gagawing ₱5-million.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2024, umabot sa 158,088.41 metric tons ang onion output sa Central Luzon, katumbas ng 59.8% ng kabuuang produksyon ng bansa. Sa Bongabon pa lang, halos 15% ng national output ang naitala.
Hinimok din ni Secretary Laurel ang mga lokal na opisyal sa bayan na makipagtulungan sa kanila sa pagpapalakas ng food security at pagpigil sa smuggling na nakaaapekto sa kabuhayan ng mga magsasaka ng sibuyas.
Samantala, bukod sa research center, maglalaan din daw ang Kagawaran ng dekalidad na binhi, farm inputs, at pest management services para masigurong tuloy-tuloy ang pag-angat ng industriya ng sibuyas sa bansa. #