Kauna-unahang internet voting para sa OFWs, sinimulan na
By Acel Fernando, CLTV36 News
Pormal nang sinimulan ng Commission on Elections (Comelec) ang online voting para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) nitong April 13, alas-8 ng umaga (Philippine Standard Time).
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ipinatupad ang internet voting sa halalan para sa mga overseas voter, kung saan maaaring bumoto gamit ang cellphone, computer, o tablet na may internet.
Ayon sa Comelec, layunin ng online voting na gawing mas madali ang pagboto at mapataas ang voter turnout ng mga Pilipinong nasa ibang bansa.
Sakop ng online voting ang 77 lugar sa iba’t ibang panig ng mundo gaya ng U.S., Canada, Australia, Japan, South Korea, at mga bansa sa Europa.
Samantala, sa 16 na bansa gaya ng China, Russia, at Syria, pisikal pa ring boboto ang mga Pilipino sa mga embassy o consulate.
Tatagal ang botohan hanggang alas-7 ng gabi sa May 12.
Upang makaboto online, kailangang mag-enroll ang mga botante sa: https://ov.comelec.gov.ph/enroll
Batay sa datos ng Comelec, halos 48,000 pa lang ang nakapag-enroll mula sa kabuuang 1.2 milyong registered overseas voter. #