Karinderya meals, patuloy ang pagtaas ng presyo
Wala na ang dating ₱50 value meal na may ulam at kanin sa ilang karinderya ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sa pag-iikot ng CLTV36 News sa ilang kainan sa City of San Fernando, Pampanga, kapansin-pansin ang pagmahal hindi lamang ng mga karneng ulam kundi pati na rin ng mga gulay na putahe.
Sa isang karinderyang ito, umaabot na sa ₱70 ang isang buong order ng gulay, habang nasa ₱45 naman ang half serving para sa mga nagtitipid. Nasa ₱80 naman kapag karne at ₱50 naman ang kalahati nito.

Ayon sa tindera, napilitan silang magtaas ng presyo dahil sa patuloy na pagmahal ng LPG at ng raw materials na kanilang ginagamit.
Aniya, sinisikap pa rin nilang mag-adjust upang manatiling abot-kaya ang pagkain para sa kanilang mga suki, lalo na ang mga manggagawang arawan ang kita. #
