Karagdagang oras sa pag-aaral, posible sa mas ligtas na kalsada
By Lucia Madamba, CLTV36 News intern
Posible umano ang karagdagang oras sa pag-aaral ng mga estudyante kung mas ligtas ang mga kalsada.
Kaya naman, inilunsad ng Department of Transportation (DOTr), kasama ang Department of Health (DOH) at United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), ang 2025 Road Safety Summit.

Ipinangako nila rito ang mas ligtas na mga daanan, imprastraktura, at sistema ng transportasyon upang makapagbyahe nang mas mabilis ang kabataang Pilipino. Bunsod nito, mas makakapaglaan sila ng maraming oras para makapag-aral ng leksyon at dumalo sa mga aktibidad sa paaralan.
Ayon sa Assistant Secretary for Road Transport and Non-Infrastructure na si Dioscoro Reyes, susi ang sama-samang pagsisikap at mas pinahusay na road-based transport projects upang masagip ang mga kabataan mula sa road crash death at injury.

Binanggit din niya ang mga proyekto sa transportasyon para sa road safety tulad ng Public Transport Modernization Program (PTMP), EDSA Busway, Davao PTMP, Active Transport, EDSA Greenways, at Cebu Bus Rapid Transit (BRT).
Samantala, ang Philippine Road Safety Action Plan (RSAP) 2023-2028 na isang strategic roadmap ay naglalayong bawasan ang trapiko sa kalsada nang at least 35% sa taong 2028. #