Kapatid ni Gov. Umali, pansamantalang umupo bilang governor ng Nueva Ecija

Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang maayos na transition ng pamumuno sa lalawigan ng Nueva Ecija matapos masuspinde si Governor Aurelio “Oyie” Umali.
Otomatikong pumalit bilang Acting Governor ang kanyang kapatid na si Vice Governor Gil Raymond Umali. Kasabay nito, umupo naman bilang Acting Vice Governor si Eduardo Jose Joson VII, ang rank 1 pagdating sa Sangguniang Panlalawigan member.
Samantala, kinumpirma naman ng DILG Regional Office 3 na naipataw na ang suspensyon, na pinagtibay ng paghahain ni Governor Umali ng Motion for Reconsideration.
Giit ng DILG, bagama’t may pagbabago sa liderato, mananatiling tuloy-tuloy ang mga programa at serbisyo para sa mga mamamayan ng Nueva Ecija.
Matatandaang sinuspinde ng Office of the Ombudsman si Umali nang isang taong walang sahod. Kaugnay ito ng umano’y iligal na pag-issue niya ng 205 quarrying permits nang walang kaukulang Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nauna nang itinanggi ni Umali ang paratang at sinabing pulitika lamang ang motibo sa naturang reklamo. #
