Kampo ni Escudero, kumpyansang legal ang ₱30-M donation mula sa construction firm noong 2022 elections

Kumpiyansa ang kampo ni Senator Francis “Chiz” Escudero na legal at naaayon sa batas ang ₱30 milyong donasyong natanggap niya mula sa isang construction firm executive noong 2022 national elections.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ramon Esguerra, maaga nilang isinumite sa Commission on Elections (Comelec) ang position paper bilang paggalang sa proseso at patunay ng kanilang paninindigan na wala umanong nilabag ang senador.
Giit ni Esguerra, idineklara nang tama sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ang donasyong ibinigay ni Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Incorporated, at sumusunod ito sa umiiral na election rules.

Tiniyak naman ni Escudero na bukas siya sa imbestigasyon ng Comelec upang mapatibay ang transparency at accountability sa political campaign.
Sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na tatalakayin ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) ang isyu upang alamin kung may paglabag sa batas ang naturang senador. Inaasahang iimbitahan din si Lubiano para sa karagdagang paliwanag.
Alinsunod sa Section 95 ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang pagtanggap ng donasyon mula sa mga indibidwal o kumpanyang may kontrata sa pamahalaan para sa supply ng goods, serbisyo, o konstruksyon. #
