Kampanya laban sa illegal modified muffler, mas hihigpitan ng pulisya
Sinira ng Pampanga Police Provincial Office ang mga nakumpiskang paputok, illegal pyrotechnic devices, boga, at mufflers nitong Bagong Taon.

Isinagawa ang public disposal nitong Miyerkules, January 7, bilang bahagi ng kampanya ng tanggapan para sa kaligtasan ng komunidad.
Ayon kay Provincial Director PCOL Eugene Marcelo, patunay ang hakbang na ito sa seryosong paninindigan ng pulisya sa kaligtasan ng komunidad at sa pagpigil sa paggamit ng mga iligal at delikadong kagamitan, lalo na sa mga pampublikong lugar at pagdiriwang.
Samantala, nagbabala naman ang Philippine National Police na mas paiigtingin nito ang pagpapatupad ng mga batas at ordinansa laban sa mga motor na may open pipe at illegal modified mufflers upang mapanatili ang kaayusan at disiplina sa kalsada.
Ayon kay PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., inatasan na ang Highway Patrol Group at lahat ng Police Regional Offices na magsagawa ng mas mahigpit at pantay na implementasyon upang maiwasan ang selective enforcement.
Nilinaw naman ng kapulisan na ang kampanya ay hindi agad nakatuon sa panghuhuli, kundi sa pagpapaliwanag at paghikayat sa mga rider na sumunod sa batas at iwasan ang mga ipinagbabawal na pag-modify sa sasakyan. #
