Kalan de uling ng isang PWD sa Arayat, patok ngayong tumataas ang presyo ng LPG
Hindi naging hadlang para sa isang Person with Disability (PWD) mula Pampanga ang kanyang kapansanan para kumayod sa buhay.
Siya si Randy Flores, 60-anyos at residente ng Barangay San Agustin Sur, Arayat.

Sa kabila ng kanyang pagsubok, patuloy siyang gumagawa at nagma-manufacture ng kalan de uling at kahoy na ngayo’y pumapatok sa merkado.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG, mas pinipili na ng maraming kabahayan ang paggamit ng kanyang nililikhang kalan—kaya naman in demand ang mga produktong likha ni Tatay Randy.


Sa panayam ng CLTV36 News, sinabi ni Tatay Randy na hindi siya umaasa sa ayuda mula sa pamahalaan. Sa halip, sariling sikap aniya ang kanyang puhunan upang mapalago ang kabuhayan.
Dahil dito, hindi lamang sa kanilang lugar naibebenta ang kanyang mga kalan kundi pati na rin sa mga karatig-probinsya ng Pampanga.
Napansin naman ito ng Pamahalaang Panlalawigan na nagkaloob ng puhunan sa mga maliliit na manufacturer ng kalan de uling upang makatulong sa mga pamilyang hirap nang makabili ng LPG. #
