Kai Sotto, out muna sa Asia All-Star Game dahil sa injury

Hindi pa rin makalalaro si Filipino basketball star Kai Sotto matapos itong maalis sa Asia All-Star Game 2026 ng B.League dahil sa patuloy na pagpapagaling mula sa tinamong ACL injury.
Kinumpirma ng naturang liga na hindi pa handa si Sotto na sumabak sa All-Star Game na gaganapin sa Nagasaki, Japan habang inuuna nito ang tuluyang paggaling matapos ang operasyon sa kaliwang tuhod noong January 2025.
Ayon sa organisasyon, patuloy pa ring nasa recovery phase ang 7-foot-3 center ng Koshigaya Alphas at wala pang itinakdang tiyak na petsa ng kanyang pagbabalik sa kompetisyon.
Gayunpaman, nananatiling aktibo si Sotto sa pagsuporta sa Gilas Pilipinas, kabilang ang panonood sa koponan sa FIBA World Cup Asian Qualifiers laban sa Guam.
Sa kabila ng hindi paglahok, malakas pa rin ang representasyon ng Pilipinas sa All-Star Weekend sa paglahok nina Dwight Ramos, Kiefer Ravena, AJ Edu, at Ray Parks Jr. sa exhibition games. Makikibahagi naman si Francis Lopez sa mga aktibidad ng liga sa pamamagitan ng Relive Dunk Contest.
Gaganapin ang B.League All-Star Weekend mula January 16 hanggang January 18, 2026. #
