Kahandaan ng pulisya sa panganib tuwing halalan, sinubok sa isang simulation exercise sa Nueva Ecija
Nagsagawa ng simulation exercise ang Nueva Ecija Provincial Police Office sa Barangay San Juan North, Cabiao nitong Huwebes, April 10. Bahagi ito ng kanilang paghahanda para sa 2025 National and Local Elections sa May 12.

Tampok sa simulation, na pinangunahan ng Cabiao Police at 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), ang iba’t ibang senaryo ng panganib tuwing eleksyon, lalo na sa mga checkpoint na itinatalaga ng kapulisan.

Sa pagsasadula, ipinakita ang pagresponde ng mga otoridad matapos parahin ang isang four-wheeled vehicle lulan ang mga pasaherong may dalang iligal na armas.
Layunin ng isinagawang simulation exercise na subukin ang operational response, koordinasyon, at kahandaan ng kanilang mga tauhan hindi lamang sa mga posibleng insidenteng may kaugnayan sa halalan kundi pati na rin sa mga banta sa seguridad ng komunidad. #