Kabalen na si Kayla Sanchez, itinanghal bilang ‘Swimmer of the Year’ sa 2025 U Sports Swimming Championship
Muling pinatunayan ng Kapampangan pride at 2019 Most Outstanding Kapampangan for Sports na si Kayla Noelle Sanchez ang kanyang husay matapos siyang hirangin bilang “Swimmer of the Year” sa 2025 U Sports Swimming Championships na ginanap sa Toronto, Canada nitong March 6-8.

Si Sanchez, na kumakatawan sa University of British Columbia (UBC) Thunderbirds, ay humakot ng 7 gold medals— apat mula sa individual events na 100m at 200m freestyle, at tatlo mula sa relay events kasama ang kanyang koponan.
Bukod sa mga medalya, gumawa rin ng dalawang bagong U Sports national record ang Kapampangan swimmer. Naitala niya ang 25.85 seconds para sa 50m butterfly at 24.18 seconds naman sa 50m freestyle.
Dahil sa kanyang pambihirang performance, pinarangalan si Kayla bilang U Sports Women’s Swimmer of the Year. Sa kanyang pangunguna, nagkamit ang UBC Thunderbird women’s team ng kabuuang 28 medals, kabilang ang 11 ginto, na nagbigay sa kanila ng ika-25 national championship banner sa kasaysayan ng kanilang laro at unang titulo mula noong 2020.
Samantala, nakatakda namang sumabak ang two-time olympian na si Sanchez sa mga prestihiyosong international competitions ngayong taon, kabilang ang Asian Swimming Championships at 2025 Southeast Asian (SEA) Games. #