Joint live fire exercise, ikinasa ng Philippine at Australian armies sa Nueva Ecija

Pinagtibay ng Philippine at Australian Army ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng isang joint live fire exercise.
Isinagawa ito sa Combat Readiness Training Area sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija nitong Miyerkules, August 27, bilang bahagi ng Amphibious Land Operation (ALON) 2025.
Gumamit ang Philippine Army ng self-propelled howitzers habang nag-deploy naman ang Australian Army ng mortars at light armored vehicle.
Kabilang din sa mga itinampok ang Javelin anti-tank missile launchers, grenade launchers, machine guns, sniper rifles at iba pang high-powered weapons.
Nagbigay naman ng close air support ang Philippine Air Force (PAF) at Royal Australian Air Force gamit ang kanilang fixed-wing at rotary-wing aircraft para sa mas malapit na koordinasyon sa ground forces.
Mahigit 3,600 troops mula sa Pilipinas, Australia, Estados Unidos, at Canada ang kalahok sa Exercise ALON 2025 na nakatakdang tumagal hanggang sa Biyernes, August 29.
Sa panig ng Philippine Army, nasa 700 na sundalo ang nakatalaga kabilang ang 300 mula sa 84th Infantry Battalion. #
