Japeth Aguilar, balak nang magretiro sa Gilas

Posibleng ang paparating na 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Guam na ang maging huling pagkakataon ni Japeth Aguilar na maglaro para sa Gilas Pilipinas.
Matagal na umanong naiisip ng 6-foot-9 power forward na maaaring ito na ang kanyang huling taon sa national team na kanyang pinagsilbihan mula pa noong 2009. Dagdag pa niya, bago pa ito ay plano niya rin umanong magretiro.
Pero naramdaman niyang kailangan niyang tumulong sa koponan, lalo na ngayong kulang ang ilang key players tulad ni Kai Sotto, na kasalukuyan pang nagpapagaling mula sa tinamong injury noon pang Enero.
Nagpatuloy umano si Japeth sa paglalaro dahil sa kasalukuyang head coach na si Tim Cone, at naniniwala siyang may maiiwang legacy ang kanyang kontribusyon sa koponan.
Ipinagmamalaki niya ang kanyang karera sa Gilas, kabilang dito ang tatlong World Cup appearances simula 2014 at ang patuloy na tagumpay ng bansa sa mga internasyonal na laban sa kabila ng mga hamon.
Kampante naman si Aguilar na ang bagong henerasyon ng Gilas—kasama sina Kai Sotto, AJ Edu, at Quentin Millora-Brown—ay may magandang kinabukasan at maaasahan sa national team. #
