Itatayong pavilion sa Ayta Ethno Botanical Center, magiging sentro ng kabuhayan at kultura
By Mazy A. Conejos, CLTV36 News intern
Nagsanib-pwersa ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA), Hann Philippines Inc. (HPI), at Hann Foundation Inc. (HFI) upang maitayo ang isang ₱5-million multi-purpose pavilion sa Ayta Ethno Botanical Center (AEBC) sa New Clark City, Tarlac.

Nitong March 21, nilagdaan nina BCDA President Joshua M. Bingcang, HFI Executive Director Ana Christi Galura, at HPI Director Sheila M. Rivera ang kasunduan para sa pagtatayo ng nasabing gusaling magsisilbing sentro ng pagsasanay, pagpupulong, at iba pang aktibidad upang mapanatili at mapalaganap ang kulturang Ayta.
Ayon kay Engr. Bingcang, layunin ng proyekto na palakasin ang sektor ng agrikultura at suportahan ang lokal na komunidad. Idinagdag naman ni Galura na bukod sa promosyon ng kulturang Ayta, makatutulong din ito sa pagbibigay ng trabaho at oportunidad sa pagnenegosyo.

Ang 10-ektaryang AEBC, na isinakatuparan ng BCDA katuwang ang Department of Agriculture at Pampanga State Agricultural University, ay magiging modelo ng food forests sa New Clark City upang mapalakas ang seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga residente.
Isasakatuparan ang proyekto sa tatlong yugto, simula sa multi-purpose pavilion, merkado, at taniman, na susundan ng mga parke at rice terraces. Pamamahalaan ito ng BCDA at PSAU, habang ang HFI ang magpopondo sa konstruksyon ng pavilion.
Ang AEBC ay nakahanay sa United Nations Sustainable Development Goals, partikular sa Zero Hunger, Decent Work and Economic Growth, at Sustainable Cities and Communities. #