Isyu ng quarry taxation sa Porac, pinabulaanan ni Mayor Capil; iginiit na ‘status quo’ at walang overcharging

Wala umanong basehan ang pahayag ng Association of Porac Sand and Gravel Quarry Operators Inc. na may nangyayaring malakihang koleksiyon o “double taxation” sa operasyon ng quarry sa bayan, ayon kay Mayor Jing Capil at iginiit na minana lamang niya ang kasalukuyang sistema.
“Unang-una, I just assumed office last July 1. Almost five months pa lang ako. Dinatnan na lang natin ang collection system at atin lang tinuloy,” pahayag ni Capil.
Ayon sa alkalde, kusang nagsara ang ilang quarry operators batay mismo sa kanilang inilabas na statement.
“Sila po ang kusang loob na nag-stop ng operation. Ang mga quarry operators ang kusang nagsara base sa pinalabas nilang statement. Base sa records namin, halos lahat ng quarry ay nag-o-operate, at wala po tayong ipininasarang operator,” dagdag ng alkalde.
Ipinunto rin ni Capil na sa kabila ng isyu ay nananatili pa ring pinakamura ang buhangin na mula sa Porac.
Batay sa kanilang comparative records, mas mataas pa umano ang nakolektang quarry revenues ngayon kumpara sa mga nakaraang anim hanggang siyam na taon.
“We did not receive any letter of complaint from quarry operators, kaya alam namin na maganda ang takbo ng operasyon,” giit pa niya.
Kaugnay naman ng isyu ng umano’y “double taxation”, sinabi ni Capil na hindi ito mangyayari dahil kasalukuyan pang diniginig ng Sangguniang Bayan (SB) ang mga revision sa regulatory fees.
“In hearing pa po ang aming mga ordinance. Ibig sabihin, for some more months, walang magiging pagtaas dahil wala kaming basehan. Para walang maabala na negosyo lalo na sa quarry habang dinidinig ito, status quo muna,” paliwanag ni Capil.
Sa ngayon, tiniyak ng alkalde na tuloy ang operasyon at koleksiyon habang inaantay pa ang pinal na desisyon ng SB hinggil sa regulatory fees. #
