Isa patay, isa arestado sa engkwentro ng mga pulis at kriminal sa Angeles City
By Jam Gomez, CLTV36 News intern
Patay ang isang suspek habang sugatan at naaresto ang kanyang kasamahan matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Korean Town, Barangay Anunas, Angeles City nitong Martes, February 18.
Bandang 4:00 PM nang makatanggap ng impormasyon ang Angeles City Police Office (ACPO) tungkol sa dalawang kahina-hinalang lalaking sakay ng isang walang plakang itim na Aerox na gumagala sa Korean Town — kilalang hotspot ng snatching incidents. Agad nagsagawa ng surveillance ang City Intelligence Unit (CIU) at Police Station 4.

Nang sitahin ng mga pulis, bumunot ng baril ang back-rider na kinilalang si alyas “Alexander”, residente ng Magalang, Pampanga, at tinangkang paputukan ang mga operatiba. Ngunit nagkaaberya ang kanyang armas kaya napilitan itong mag-reload, dahilan upang agad siyang paputukan ng mga pulis. Napatay naman ang nagmamaneho ng motorsiklo, habang si alias “Alexander” ay nagtamo ng sugat at agad na inaresto ng pulisya.
Na-recover sa pinangyarihan ng insidente ang isang U.S. Colt .45 caliber pistol na may anim na bala, kabilang ang isang bala na may firing pin mark.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang lawak ng kriminal na aktibidad ng mga suspek at ang kanilang posibleng koneksyon sa iba pang insidente sa lugar. #