Irigasyon sa Nueva Ecija, nasira dahil sa illegal quarrying; aning palay, posibleng bumagsak sa Q1 ng 2026
Malubhang pinsala sa ilang bahagi ng Upper Pampanga River Irrigation System sa Nueva Ecija ang iniulat ng Department of Agriculture (DA). Ito ay makaraang maapektuhan ng illegal quarrying na nagdulot ng pagkaantala sa suplay ng patubig sa mga sakahan.
Dahil sa nasirang irigasyon, posibleng bumagsak ang aning palay sa rehiyon ng humigit-kumulang 120,000 metric tons sa unang bahagi ng susunod na taon, bagay na posibleng magdulot ng malaking pagkalugi sa libo-libong magsasaka.
Ayon sa DA, direktang maaapektuhan ng limitadong water supply ang produksyon ng palay, kaya kinakailangan umano ang agarang hakbang habang isinasagawa ang pagkukumpuni ng mga irrigation facility.
Bilang tugon, inihahanda ng kagawaran ang pagpapatupad ng crop diversification, kung saan ililipat ang hindi bababa sa 37,000 hectares ng dating taniman ng palay sa produksyon ng munggo bilang alternatibong kabuhayan.
Ipinaliwanag ng ahensya na mas maikli ang panahon ng pagtatanim ng munggo na umaabot lamang sa halos animnapung (60) araw, kaya may pagkakataon ang mga magsasaka na makabawi agad ng kita kahit limitado ang patubig.
Bukod sa pagtulong sa kabuhayan ng mga magsasaka, inaasahan ding makababawas ang hakbang na ito sa pag-angkat ng munggo ng bansa na kasalukuyang umaabot sa halos 50,000 metric tons kada taon.
Kasabay nito, plano ng DA at National Irrigation Administration na palawakin pa ang munggo production sa karagdagang 21,000 hectares sa iba pang saklaw ng irrigation systems ng pamahalaan. #
