Indian national, arestado sa Nueva Ecija dahil sa overstaying

Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Indian national sa San Leonardo, Nueva Ecija matapos matuklasang mahigit anim na taon nang overstaying sa bansa.
Kinilala ang dayuhan na si Gurwinder Singh, 27-anyos, na nahuli ng mga operatiba ng Regional Intelligence Operations Unit (RIOU-3) ng BI sa Barangay Castellano noong October 10.
Ayon sa ulat, natunton si Singh sa isang karinderya sa kahabaan ng Maharlika Highway kung saan siya madalas na kumakain. At nang lapitan ng mga otoridad, wala umano itong naipakitang pasaporte o anumang identification document.
Ayon sa BI, taong 2018 pa overstaying si Singh at lumabag sa immigration law ng Pilipinas. Kaagad siyang inaresto at ipinaalam sa kanya ang kanyang karapatan sa wikang kanyang nauunawaan.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng BI sa Taguig City si Singh habang isinasagawa ang proseso para sa kanyang deportation. #
