Ina ng batang PWD, nanawagan ng higit na pag-unawa matapos umanong ma-discriminate ang anak
Umani ng batikos ang umano’y hindi pagbibigay ng konsiderasyon sa isang batang may special needs matapos silang paalisin sa loob ng Starbucks branch sa Pampanga.
Batay sa Facebook post ng nanay ng bata na si Lea Organa mula Calumpit, Bulacan, nangyari ang insidente nitong Linggo, February 15, nang sitahin sila ng staff dahil sa pagdadala ng pagkain mula sa labas.
Ipinaliwanag niyang kinakailangan ito ng kanyang anak, na isang registered PWD at Gestalt language processor, ngunit iginiit umano ng staff ang “no outside food” policy.
Dahil dito, sinabi ng nagreklamo na napilitan silang lumabas ng establisyimento at sa sahig na lamang kumain ang bata.
Sa liham na ipinadala ng ina ng bata sa store manager, iginiit niyang dapat ipatupad ang “reasonable accommodation” alinsunod sa umiiral na Magna Carta for Persons with Disabilities.
Hiniling din niya ang CCTV preservation mula 5:30 PM hanggang 6:45 PM sa nabanggit na araw, written letter of explanation, at patunay ng disability sensitivity training para sa mga sangkot na staff.
Kinundena naman ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang insidente. Anila, bagama’t maaaring magpatupad ng patakaran ang mga negosyo, hindi ito dapat magresulta sa diskriminasyon o hadlang sa PWDs.
Binigyang-diin ng ahensya na ang pagtanggi sa ‘reasonable accommodation’ ay maaaring sumalungat sa batas. Nakikipag-ugnayan na umano sila sa mga kaugnay na ahensya upang suriin ang implementasyon ng patakarang ito at tiyakin ang pagsunod sa disability inclusion standards.
Samantala, nakipagpulong ang Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng CSF LGU sa pamunuan ng establisyimento upang talakayin ang insidente at repasuhin ang umiiral na protocol para sa PWDs.
Sa site visit nitong Martes, February 17, kabilang sa naging hakbang ang pagpapalawig ng refresher trainings sa mga staff upang masiguro ang tamang pagpapatupad ng reasonable accommodation at inclusive customer service practices. #
